Ang babaing tanging-tangi’t may sariling kilos, hilig,
May sariling kasaysayan sa ugali’t pananalig
Ay dito lang makikita sa silong ng ating langit;
Siya’y iba sa dalaga ng Kanlurang maligalig
Na kukunin ka sa mga kasuotang makikisig,
Siya’y namulat sa gitna ng bukiring matahimik,
Sa tahanang mahirap ma’y punong-puno ng pagibig;
Hiniram sa pipit-puso ang lambing ng kanyang tinig,
Ang tamis ng kanyang puso’y sa tubig ng ating batis
At ang iwing kagandaha’y sa magandang panaginip!

Saang lupa pa kikita ng ganitong paraluman
Na taglay nang lahat halos ang lahat ng katangian?
Kung sa ganda, kung sa sipag, kung sa hinhi’t kabaita’y
Wala ka nang ipipintas ubod ka man ng pihikan …

Kung sa pagkabinibini ay si Laura ang kabagay
Sa pagka-ina’y si Sisang matiisi’t matimtiman
At ang bunying Tandang Zora kung sa ngalang kagitingan:
Ang Babaing Pilipina, ang Mutya ng Silanganan,
Ang hiyas ng ating lahi at dangal ng ating Baya’y
Isang yamang mahalaga, sa lahat ng kayamanan!
-Amado Hernandez



